Minsan may mga pangyayari sa buhay natin na mahirap unawain at tanggapin. Kung sino pa yung mga taong iginagalang, pinahahalagahan, minamahal, tinutulungan sa abot ng iyong makakaya, inuunawa lalo sa panahon ng kahinaan at inaakay sa pagbangon sa pagkakadapa, sila pa yung nagiging dahilan ng kasakitan ng iyong kalooban.
Ano ang iyong gagawin? Ano nga ba ang nararapat gawin? Bilang tagasunod ni Kristo-Hesus, tularan natin ang ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Siya ay naparito upang iligtas ang sangkatauhan na lubos Niyang minamahal mula sa walang hanggang kaparusahan ng kasalanan.
Isa pang nakamamanghang katotohanan ayon sa Juan 10:17-18 ay kusang loob Niya itong ginawa. Wala na sigurong hihigit pa sa sakit na naranasan ng ating Panginoong Hesus. Subalit sa kabila ng lahat, ano pa rin ang namutawi sa Kanyang bibig?
“Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
PAGPAPATAWAD — ito ang susi upang maunawaan at matanggap mo ang mga bagay o taong nagdulot sa iyo ng kapighatian. Sa usapin ng kapatawaran ay may dalawang bahagi: ang paghingi ng tawad at ang pagpapatawad...
“ANG UNANG NAGPAPAKUMBABA,
AY ANG UNANG NAKAKALAYA.
ANO! MAGPAPAHULI KA BA?
IKAW RIN, BAKA MAIWAN KA!”